ni: Jimae Faith Magnaye
Ang paghalik ng kadiliman sa kumikislap na kapaligiran ay sumabay rin ang pagdapo ng mga butil ng pighati sa aking mga mata. Naturingang ang gabing ito ay sadyang masaya, ngunit narito ang isang kaluluwang nagdurusa.
Sa aking pagbaybay sa mga pasilyo ng nakaraan ay nakikita ko siya, nakangiti at waring walang inaalala sa buhay. Sadyang kay sama ng tadhana at siya pa ang sininta sa lahat ng nagmamahal. Naging isang trahedya ang buhay kong noon ay kay saya at puno ng hiwaga. Ngunit narito pa rin ako at lihim na sumusulyap sa kanyang maliwanag na mukha na naging tanglaw ko sa mga araw ng kabalisahan at ituring man itong kabaliwan ay siya pa rin ang nilalaman ng aking puso’t isipan.
Sino ba naman ang hindi mahuhumaling sa kanya? Siya ay singganda ng bukang-liwayway at ang kapinuhan sa kanyang pag-uugali ay sadyang nakakabighani sa kahit ano mang nilalang. Marami akong katunggali sa pagkamit sa kanyang puso ngunit alam kong wala akong maiilaban sa kanila – hindi ako kasing kisig ng isang talisain ni ang lakas ng isang mandirigma ay hindi rin naigawad sa akin.
Lumipas ang mga oras at araw. Mabilis ang daloy ng panahon at ang kadalisayan ng mga bulaklak ay unti-unti nang nawawalang saysay. Walang pinagkaiba ang bawat sandaling kami ay pinagtatagpo – hinihila pa rin ng aking kahinaan ang bawat salitang nais kong sabihin sa kanya. Humihiyaw na ang aking damdamin na magtapat sa kanya ukol sa aking nadarama subalit nawawala lamang ako sa aking pag-iisip at hindi maiwasang mahumaling sa mala-anghel niya mukha.
Nabatid ko lamang na papalapit na ang taunang sayawan ng aming paaralan. Lahat ng mga kasali sa nasabing piging ay abalang-abala sa paghahanda sa pagkakataong dalawang ulit lamang magaganap sa buhay ng mag-aaral na nasa mataas na paaralan. Hindi ko man mabatid ang kasiyahang dala ng pagdiriwang ito, pilit namang naglalaro sa aking imahinasyon ang kanyang magiging anyo sa gabing iyon. Iginuguhit sa aking isipan na siya ay magmumukhang prinsesa na ubod ng ganda at halimuyak, ngunit hindi ko siya maaabot sapagkat ako’y isang ordinaryong nilalang lamang. Hamak na kung mapalapit sa kanya ay maituturing lamang na isang anino, hindi mapapansin at walang saysay na naparoon pa.
Nagbibilang na ako ng araw bago maganap ang sayawan. Natapos na ang lahat ng kinakailangang isagawa tulad ng mga ensayo ,paghahanap sa iyong kabiyak at ang pagpili ng kasuotang babagay sa tema ng naturang okasyon. Napaghandaan ko na ang lahat ng ito – asul ang napili kong kulay para sa aking damit. Simple lamang ang aking napili ngunit masasabing elegante. Higit kong binigyang pansin ang piging sapagkat ito na ang huling pagkakataong nalalabi upang masabi ko sa kanya ang aking tinatagong paghanga.
Dumating na rin ang pinakahihintay naming araw – ang araw ng sayawan. Makikita mo ang kislap ng galak sa mga mata ng bawat naroon. Lahat ng mga dilag ay tila mga dyosang bumababa mula sa kalangitan ngunit lahat sila ay hindi makakapantay sa kanyang taglay na yumi. Suot niya ay asul rin na nagpasiya sa aking puso at ang lahat ng kanyang ginamit na palamuti ay nagdagdag lamang ng ganda sa kanya. Panay ang kanyang ngiti sa bawat taong kanyang makakasalubong at hindi ko rin inaasahang ako rin ay mapag-uukulan niya ng pansin.
Nagsimula na nga ang programa. Alinsunod pa rin ito sa nakasanyang daloy ng kaganapan. Karamihan ay masaya sa pagsasayaw sa kanilang mga kabiyak o minamahal. Siya ay sumayaw na ng maraming beses samantalang ako ay naka-upo lamang sa isang sulok. Nais ko siyang makasayaw, ngunit hindi ko alam paano siya yayayain. Hinihila na naman ako ng aking katorpehan at ng takot na hindi niya paunlakan ang aking imbitasyon. Sa wakas ay umupo na siya ngunit nakaguhit pa rin ang matinding kasiyahan sa kanyang mga mata.
Napagpasiyahan kong pumunta muna sa palikuran upang ayusin ang aking buhok na nasira sa pagsandal ko sa dingding. Sa paglabas ko ay pormal ng ipinahayag na magsisimula na ang sonata para sa huling sayaw. Namasdan ko ring naroon pa rin siya…nakaupo at tila walang pumapansin sa kanya na nabatid kong nakapagtataka. Nabuhay ang kakarampot kong lakas ng loob at pag-asa. Nabigla ako nang lumakad na ang aking mg paa patungo sa kanya. Pagdating ko sa kanyang kinaroroonan ay nabulalas ko na nais ko siyang makasayaw sa huling pagkakataon. Sa awa ng Maykapal ay pumayag naman siya.
Sa pag-apak namin sa sayawan ay nanginginig ang aking mga kalamnan – nais na nilang umatras ngunit humihiyaw naman ang aking damdamin na ito na ang pinakamagandang pagkakataon. Sumayaw kami ng buong husay at tila kami ay naging isa. Marami ang namangha sapagkat hindi nila inaasahang magagawa namin iyon. Nagpasalamat ako sa pagkakataong binigay sa akin na mahawakan siya at masolo kahit sa huling pagkakataon.
At iyon na ang aking huling sayaw, ngunit hindi ko pa rin na ipahiwatig ang aking nadaramang pag-ibig sa kanya…at ito ay nagdulot ng mga luha ng panghihinayang sa aking mga mata.
naks! kaarawan ng kuya ko! ai naku. ang galing nga naman magsulat... huling-huli ang emosyon :D
ReplyDelete