ni: Gil A. Dulon
Malamang ang title ng article na ito ay ang title din ng una niyong essay sa Pisay. Marami na rin akong nasulat na ganito. Yun bang mga essay na pinapagawa tuwing Homeroom tulad na lang ng How Pisay changed my life, Life in Pisay, My first impression on Pisay, Pisay, Dorm life in Pisay, etc. Mga topics na ganun: iba-iba ang title pero parepareho ang concept. Kaya ngayon, bilang graduating student ay pinasulat ako ng aking adviser ng isang essay na may konting kaibahan dun sa mga nasulat ko nung first year hanggang 4th year ko. Kaya eto na yung own version ko ng aking Pisay life…1st year to 4th year (mahaba to, pambawi ko na sa madaming articles na nakalimutan kong ipasa…at gawin)
Enrollment.
Maaga akong pumunta ng enrollment, pangalawa ata akong dumating. Excited kasi e. Unang impression sa enrollment at field day: Amazing race.. Enjoy naman konti kasi kahit nakakapagod ang mistulang amazing race ang enrollment dahil sa dami ng stations. Kaya lang dahil sa aga ko sa enrollment, nakatulog ako sa gitna ng mga stations. Pangalawa ako dumating, pangalawa mula sa huli tuloy din ako sa mga nakatapos sa enrollment.
1st year.
Una lahat. Alas tres ata ako gumising, dormer kasi. Alas dose na din ata ako natulog nun kasi masarap makipag-usap sa mga roommates mong bago mo pa lang nakilala. Alas kwatro (wala pang wake-up bell) kami bumaba para kumain. Pagababa namin, hanep, andun din yung ibang mga freshie, naghihintay din na magbukas ang dorm.Yung isa nga doon, alas tres pa andun. Alas singko nasa Acad na kami (totoo yun noon, promis, kahit ngayong alas siyete na nasa dorm pa rin kami…naliligo).
Masaya maging freshie. Masarap kantahin ang Time to be Happy ni Mom V. <*the time to be (ngisi) is now*kadalasang aksyon:tingnan ang iba at hanapin kung sinong kumanta pa rin ng happy>, ok magmemorize nung Values Education 1 ni Sir Weng, at siyempre, enjoy magfriendster sa CompSci.
Masaya din ang Foundation Day, lalo na yung loveknot at jailers. Dito rin unang minamalas ang mga estudyante- nagkasub, o hindi umabot sa cut-off ng DL. Ito yung eksena habang nagdadasal ako sa computation ng grades:
Ako: Lord, sana umabot ng 2.5….please umabot ka..plis….
Katabi kong DL: Lord, sana magpiso, please, sana umabot ng piso.. please..
Spot the difference?
LULL week (tama ba yung term?)
Ito yung week na papatayin kayo sa pagkabagot. Ito yung week na busy ang seniors para sa graduation, kaya, malaya kayong gawin ang gusto niyo basta: wag lang pumasok sa classroom, mag over the bakod, lumabas ng paaralan, bawal labagin ang student handbook at gadget policy. In short, pili ka: matulog, kumain sa canteen, makipag-usap sa kung sinong nababagot, magtakbuhan sa skul, maglaro ng basketball, o magdaydream buong araw.
Naging parang net café din ang Comlab noon. Kasi, araw-araw kaming nandun at naglalaro ng BattleOn/Dragon fable, o Neopets. Ewan ko kung bakit kami na-adik sa mga larong yun. Masarap lang sigurong magbabad sa mga Flash games habang pinapanood ang karakter mong pinapalo ang mga hipon, bampira o maliliit na version ni Shrek kaya nauso yung Dragon Fable(Fashion wars na raw ang uso ngayon). Kaya pagkatapos nun, naghigpit na ang Comlab. Bawal nang gumamit kung maglalaro ka lang ng Icy tower o kung ang definition mo ng research ay Friendster.
Yun ang Lull week- may moral lesson kang natututunan after. Pag may klase sasabihin mong, “Please sana walang klase.” Hintayin mong maglull week, mamamatay ka sa pagkabagot. Moral lesson: Be careful of what you wish for.
2nd year.
Mahirap tong year na to. Nasa third floor kayo at mas malaki pa sa inyo mga libro ninyo. Wala ring free time sa year na ito. Lahat 4:10 ang dismissal except sa biyernes. Dalawa ang math, first time niyong babanggain ang Chemistry, Biology at Physics. Sa tingin ninyo no sweat? Hintayin nyong magsecond year kayo, o subukan niyong balikan yung year na yun.
Pero, sa lahat, kaya naman din yung year na yun. Worth it naman ang matututunan mo sa pagod mo. Kaya advice: mag-aral nang mabuti. Hindi ko to ginawa noon, kaya kung susunod din kayo, malamang manghihinayang kayo ngayon.
3rd year.
Parang prize pagkatapos ng 2nd year life niyo. Madaming free time, naka-adjust na sa buhay Pisay, at siyempre, kakilala na ang mga guro. Isa lang ang panibagong mukha na kailangan mong harapin: Research. Kung tamad ka, ito ang subject na didisiplina sa’yo. Kaya advice: sa taong to, mag-ipon na ng bondpaper, ink, printer, folder, slider, utak, at vitamins. Para saan yung panghuli? Panlaban para di ka magmukhang naglalakad na bankay matapos ang ilang mga walang tulugan session sabay ang iyong research mates at laptop.
4th year.
Kabaliktaran halos lahat sa 1st year. Panghuli na lahat. Kaya halos lahat ng okasyon iniiyakan. (Pati achievement test, loko lang). Huling Sci camp, huling prom, huling Intrams, basta huli lahat. AT may pahirit ang research- version 2 (para dun sa mga mamalasin at papaulitin ng research).
Advice: live life to the fullest.
Kaya wag niyong sayangin free time niyo. Magpakatamad kayo kung gusto niyo, wag lang kayong magsisi sa huli.
Graduating na ako. At sa apat na taong iginugol ko ditto ay halos napagdaanan ko na rin lahat. Gumawa ng assignment,kumanta ng time to be happy, nagstudy sa exams,nagcram, nakinig sa klase, natulog sa klase, nagperfect at nagzero sa quiz, nanalo sa Sci-tech fair pero muntikang nagkakwatro sa research, pumasa, nasub, gumawa ng sandamakmak na Labrep, nangopya at nagpakopya….ng assignment :), nagsulat ng I will never be late again ng 200x, sumayaw sa PE, nanalo sa contest, gumising ng alas tres sa dorm, nagising ng alas 7, at higit sa lahat nag- aral sa Pisay.
Kung minalas man ako o nakuha ang gusto ko, di na importante. Sa huli naman ang mahalaga ay kung paano mo ginugol ang High school life mo dito.